Isasara na sa September 28 ang u-turn slot malapit sa MRT North Avenue Station sa Quezon City.
Ayon sa pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), isa ang naturang u-turn slot sa 13 na mga isasara ng MMDA sa kahabaan ng EDSA bago mag-Pasko.
Paliwanag ng MMDA, ito’y para mapabilis ang daloy ng mga sasakyan lalo na ng mga bus na dumaraan sa innermost lane.
Kasunod nito, naglagay na rin ang MMDA ng mga signage sa magbilang lane ng naturang u-turn slot.
Kung si MMDA Traffic Czar Bong Nebrija ang tatanungin, iginiit nito na bukod sa mga bus ay mapapabilis din ang byahe ng iba pang sasakyan, ito’y dahil maiiwasan ang build up ng pagka-buhol-buhol ng mga sasakyang gagamit ng u-turn slot.
Sa mga maaapektuhang motorista, ayon sa MMDA, pupwedeng dumaan ang mga ito sa ibang mga ruta gaya ng u-turn slot sa Quezon Avenue Service Road.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang MMDA sa mga maaapektuhang motorista sa hakbang na isara ang ilang mga u-turn slot sa kahabaan ng EDSA.