Kailangan nang mag-adjust ng mga Pilipino na mamuhay sa gitna ng pandemya nang may ibayong pag-iingat sa kalusugan.
Ito ang pananaw ni Sen. Imee Marcos kasunod ng mga panawagang luwagan na ang ipinatutupad na community quarantine sa Metro Manila at ilan pang panig ng bansa upang mabuhay na ang ekonomiya.
Sa panayam ng DWIZ kay Marcos, bagama’t batid naman niya ang pinanggagalingan ng iba’t-ibang opisyal ng pamahalaan pero dapat isaalang-alang na matatagalan pa bago tuluyang magbalik sa dating normal ang buhay ng mga Pilipino.
Ang problema talaga yung mga local government hirap na hirap na. I know where Secretary Lopez is coming from syempre gusto na n’yang buhayin ang ating mga negosyo kasi talagang nanganganib na ang napakarami nating small, medium scale, hindi na kinakaya. Ang dami na nagsara talaga, ang dami ng na-lay off kaya nakakanerbyos talaga so, napakahirap nitong sitwasyon natin, talagang lockdown is not the answer. Ang tunay na sagot is ang ‘how to live with the virus’, paano natin itutuloy ang pangkaraniwan nating buhay,” ani Marcos.
Gayunman, sinabi ni Marcos na malaking hamon pa rin lalo na sa mga highly urbanized areas tulad ng Metro Manila ang pagpapanatili ng physical distancing dahil sa dami ng taong nananatili rito.
Lalo na sa NCR napakahirap naman nung sinasabi na physical distancing, alam naman natin sa barong-barong 15 katao nagsisiksikan, patong-patong; lola, lolo, bulilit, at kung sinong mga musmos nagkalat. Kaya nga ang tingin ko importante talaga; sabi nga ng isang European na Scandinavian na they’ve managed to really keep it in control, the challenge is really to create space,” ani Marcos. — panayam mula sa Usapang Senado.