Nakatakdang desisyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte Ang susunod na kapalaran ng Metro Manila patungkol sa community quarantine sa Lunes, Setyembre 28.
Ito ang kinumpirma ni Department of the Interior And Local Government Sec. Eduardo Año kasunod na rin ng ilalatag na rekumendasyon ng Metro Manila Council sa kanilang pagpupulong ngayong araw ng linggo.
Ayon kay Año, batid na ng mga Metro mayors kung ano ang inirekumenda ng Inter-Agency Task Force (IATF) na community quarantine status sa Metro Manila at kanila na itong pinagpupulungan upang makapaglatag ng apela.
Hinihintay na lamang ng kalihim ang magiging resulta ng pagpupulong ng mga alkalde sa National Capital Region (NCR) bago nila ito i-akyat sa IATF meeting at pagpasyahan ng pangulo.
Inaasahang muling haharap ang pangulo, Lunes ng gabi pagkatapos ng pagpupulong ng IATF na gagawin sa Davao City.