Handang-handa na ang Commission on Elections o COMELEC sa pagbubukas ng paghahain ng kandidatura ng mga tatakbo sa darating na eleksyon 2016.
Mahigpit ang ipatutupad na panuntunan ng COMELEC sa mga kandidato dahil tatlo lamang ang papayagang makasama nito sa filing area.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, nakikipag-ugnayan na sila sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA para sa posibleng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa harapan ng Palacio del Gobernador sa Intramuros Maynila.
“Sa ngayon, medyo maluwag naman talaga yung harapan Intramuros dahil ginawa na syang one way pero just in case maraming dumating, kasi ine expect natin yung mga tao talaga, saka yung vehicle ng mga kandidato, alam natin na maraming magco-cover nyan so we have to be ready,” paliwanag ni Jimenez.
Kasunod nito, sinabi Jimenez na bukod sa paghahain ng Certificate of Candidacy ng bawat tatakbo sa eleksyon, kinakailangan ding lumagda ng mga ito sa tinatawag na integrity pledge.
Layunin nito ayon kay Jimenez na ilagay hindi lamang sa mga botante ang kapalaran ng isang maayos at malinis na eleksyon kundi maging mismong sa mga kandidato
Kasunod nito, sinabi ng opisyal na kanilang tututukan ang mga lokal na opisyal lalo na sa mga lugar na idineklarang election hotspots.
By: Jaymark Dagala
By: Jaymark Dagala