Natiklo ng mga operatiba ng Antipolo Police ang dalawang staff members ng Rizal Provincial Security Division dahil sa pamemeke ng COVID-19 test results.
Narekober ng mga otoridad mula sa mga suspek na sina Arnel Ignacio at Edgardo Juanilo ang ilang fake COVID-19 test results, marked money, at isang motorsiklo.
Ikinasa ang entrapment operation laban sa mga naarestong suspek matapos ang reklamo ni Jonathan Berutso.
Nagtungo umano sa Berutso sa kapitolyo para magpa-rapid test pero sinabihan daw sya ng gwardya na wag nang pumila dahil bibigyan na lamang daw s’ya nito ng fake na negative result sa halagang P1,700 at dagdag na P200 para umano sa pagkain.
Hindi umano sumunod sa payo ng gwardya si Berutso bagkus nagpatuloy ito sa pagpila para sa rapid test kung saan nagpositibo ito sa COVID-19.
Pero nagnegatibo naman ito makaraang isailalim rin sa swab testing.
Matapos nito, agad na naghain ng complaint sa himpilan ng pulisya si Berutso dahilan upang agad na ikasa ang operasyon na ikinaarersto ng dalawang gwardya na nahaharap ngayon sa mga kasong robbery, extortion, at falsification of public documents.
Sinabi naman ni Police Lieutenant Colonel Jose Arandia, na huwag pamarisan ang ginawa ng dalawang kawani ng pamahalaan na nakuha pang pagkakitaan ang pandemya sa pamamagitan ng pamemeke ng mga resulta ng COVID-19 test.