Kinastigo ng Department of Transportation (DOTr) ang kumpaniyang AF payments na siyang system provider ng MRT at LRT gayundin sa EDSA busway.
Ito’y makaraang umalma ang nasabing kumpaniya na wala umano silang kikitain kung tatanggalin nila ang P80 charge sa pagbili ng beep cards ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Transportation Sec. Arthur Tugade, kung hindi aniya tatalima ang AF payments sa kaniyang utos na gawing libre ang ibinebenta nilang cards sa mga pasahero ngayong panahon ng pandemya ay posibleng kanselahin na lamang nila ang paggamit dito.
Una rito, inirereklamo ng mga pasahero ang P180 bayad para sa mga unang beses pa lamang bibili ng beep card kung saan, P80 rito ay para sa card habang P100 naman ay para sa load nito.
Magugunitang mahigpit nang ipinatupad ng DOTr ang “no beep card, no ride” policy sa EDSA busway bilang bahagi na rin ng cashless transactions ngayong nahaharap ang bansa sa pandemya ng COVID-19.