Itinanggi ng Malakanyang na naiimpluwensyahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng imbestigasyon ng Task Force PhilHealth sa kinahaharap na alegasyon ng kurapsyon ng ahensiya.
Ito ay matapos ihayag ni Pangulong Duterte ang kanyang patuloy na suporta kay Health Secretary Francisco Duque III sa kabila na pagkakasangkot nito sa kontrobersiya sa PhilHealth.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa usapin.
Nirerespeto aniya ng Pangulo ang resulta o karagdagan pang resulta ng mga naturang pagsisiyasat.
Binigyang diin ni Roque na ipinaliwanag na ni Pangulong Duterte na bilang isang abogado ay wala itong nakikitang matibay na ebidensiyang magdidiin kay Duque sa isyu ng kurapsyon sa PhilHealth.
Ito aniya ang dahilan kaya’t patuloy ang matibay na pagtitiwala at kumpiyansa ng Pangulo sa kalihim.