Inihayag ng Palasyo na may naitabing pondo si Pangulong Rodrigo Duterte para may ipangbili ng magagawang bakuna kontra COVID-19.
Batay ito sa inilabas na pahayag ng Palasyo makaraang sabihin ng pamunuan ng World Health Organization (WHO) na posible nang lumabas sa merkado ang bakuna kontra COVID-19 sa katapusan ng taon.
Ani Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, batid na ng pamahalaan ang mekanismo ng pagbili nito.
Paliwanag nito, ang Philippine International Trading Corporation (PITC) ang bibili ng naturang bakuna, habang ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines naman ang magfi-finance sa gagastusin dito.
Nauna rito, inihayag ng Palasyo na naglaan ito ng higit P2-B pondo para may maipangbili ng bakuna.