Isinusulong ni Senadora Risa Hontiveros na madagdagan ng higit sa 1 bilyong piso ang budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod na taon kasunod ng tumataas na bilang ng mga nagugutom sa bansa.
Ayon kay Hontiveros, ito’y para magkaroon ng budget para matugunan ang hunger crisis sa bansa.
Paliwanag pa ng Senadora, makatutulong ito sa mga feeding program na mapapakain ang aabot sa 2 milyong mga bata na nasa 3 hanggang 4 na taong gulang na kadalasa’y mga undernourished.
Sa report kasi ng UNICEF, lumalabas na marami ang mga bata sa bansa ang bansot o hindi lumalaki dahil sa kakulangan nito sa nutrisyon.
Kung kaya’t, iginiit ni Senadora Hontiveros, kung hindi pagtutuunan ng pansin ang kasalukyang sitwasyon na apektado ang ekonomiya dahil sa pandemya, ay hindi malayong tataas pa ang bilang ng mga batang magugutom―ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)