Bumababa na ang bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.
Batay sa tala ng University of the Philippines OCTA Research team, lumalabas na nasa 2,500 na lamang ang mga bagong kaso ng virus na naitatala sa isang araw, batay na rin sa daily reports ng COVID-19 cases sa bansa mula noong ika-25 ng Agosto hanggang ika-5 ng Oktubre.
Mas mababa ito kumpara sa halos 4,000 bagong COVID-19 cases na naitatala noong huling linggo ng Agosto.
Dagdag pa ng UP OCTA Research team, bumaba na rin sa 1,000 bagong kaso ng COVID-19 ang naitatala sa National Capital Region, na episentro ng naturang virus sa bansa.
Nabawasan na rin ang positivity rate sa NCR kung saan, nasa 8% na ito mula sa 14% na naitala noong katapusan ng Agosto; gayunman, mas mataas pa rin anila ito sa 5% na ideal rate ng World Health Organization.
Kasabay nito ay pinayuhan naman ng grupo ang gobyerno na panatilihin ang istriktong pagpapatupad ng minimum health standards sa bansa upang mas mapababa pa ang insidente ng pagkahawa sa COVID-19.