Nanawagan si Cabinet Secretary Karlo Nograles sa Kongreso na ipagpatuloy na ang deliberasyon hinggil sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Ito ay kasunod na rin ng babala ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa posibleng pagkaantala ng pagpasa sa pambansang pondo sa gitna pa ng nararanasang pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Muli ring binigyang-diin ni Nograles ang pahayag ng Pangulong Duterte na hindi na kakayanin ng mga Pilipino na maunsyami pa ang naturang pondo na naglalaman ng mga probisyon para sa pagtugon at ayuda para sa mga naapektuhan ng pandemya.
Magugunitang sa mensahe sa bayan ni Pangulong Duterte kagabi, ika-8 ng Oktubre, iginiit nito na dapat nang resolbahin ng mga mambabatas ang girian sa pagka-House speaker at ipasa sa legal na proseso at batay sa konstitusyon ang panukalang 2021 national budget.