Handa na ang Commission on Elections (COMELEC) sa mala-fiesta na paghahain ng certificate of candidacy ng mga kandidato sa 2016 elections.
Ipinabatid ni COMELEC Spokesman James Jimenez na katuwang nila ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang masigurong maayos ang paghahain ng COC ng mga kandidato.
Ipinaalala ni Jimenez na tatlo lamang ang maaaring isama ng mga kakandidato sa filing area.
Magkakasa rin ang COMELEC ng live streaming para sa mga miyembro ng media na walang accreditation at hindi makapapasok sa loob ng Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila.
Sa panayam ng programang “Ratsada”, tiniyak ni Manila Police District Director Chief Supt. Rolando Nana na nakalatag na ang kanilang security preparations sa bisinidad ng COMELEC.
Pansamantalang suspendido ang voter’s registration hanggang sa Biyernes para bigyang daan ang COC filing.
“Meron po tayong security preparations na inilatag doon sa sa may vicinity ng COMELEC sa Intramuros, dito po ay magbabantay ang ating Kapulisan sa MPD particularly yung nakakasakop na Ermita Police Station, at ang Intramuros PCP, augmen-tan po ng ating District Public Safety Batallion.” Pahayag ni Nana.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita