Mas marami na ang pinayagan ng gobyerno na makalabas ng bahay sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ito’y isa sa mga hakbang para makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na lubos na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ipinabatid ni Roque na inaprubahan ng gabinete ng Pangulo ang rekomendasyon ng Department Of Trade and Industry (DTI) para palawakin ang edad ng mga papayagan nang lumabas ng bahay.
Halimbawa aniya, maaari nang lumabas ng bahay ang mga edad 15 years old hanggang 65 years old, matatandaan na dati ay hindi pinapayagan lumabas ng bahay ang 21 years old pababa at 60 years old pataas at iba pang kabilang sa vulnerable population gaya ng mga buntis.
Suportado rin umano ng gobyerno ang pagtapyas sa curfew hours at pagpapahintulot sa multiple work shift upang mas makatulong ang marami pang manggagawa at mamimili na makapag- ambag sa ekonomiya at ang pagpapalawak ng negosyo sa 100% mula sa 75%.