Nasa 18 barangay sa Cagayan ang apektado ng African Swine Fever (ASF).
Ayon kay acting Provincial Veterinarian Dr. Noli Buen, nakumpirma nilang apektado ng ASF sa pinakahuling pagsusuri sa blood samples ng mga baboy mula sa Barangay Agani sa Alcala; La Suerte, Bayabat; Monte Alegre at Centro sa Amulung; Liwan Sur at Lanna sa Enrile; Baculuf, Iguig; Warat, Piat; Parog Parog, Palao; Maguirig, Iriga; Cadaanan sa Solana at Dagupan; Malalinta Palca at Bugnay sa Tuao.
Mula sa pitong (7) bayan, nasa 1,094 na mga baboy ang isinailalim sa culling o kinatay at ibinaon para makontrol ang pagkalat ng virus dulot ng ASF at mahigit 200 hog raisers ang naapektuhan na binigyan ng tulong pinansiyal ng pamahalaang panlalawigan.
Tiniyak ni Buen ang patuloy na pagkuha ng blood samples sa mga karatig na lugar na apektado ng ASF at monitoring na rin sa iba pang bayan sa Cagayan.
Patuloy aniya ang mahigpit na pagpapatupad nila ng checkpoints sa mga boundary ng lalawigan kaugnay sa total ban sa pagpasok ng live hog, frozen pork at processed products sa Cagayan mula sa ibang probinsya sa Region 2 maging sa Ilocos.