Isinailalim sa Tropical Cyclone Signal No. 1 ang walong (8) lugar sa bansa makaraang muling tumama sa kalupaan ang Tropical Depression Ofel.
Ayon sa PAGASA, dakong alas-6 ng umaga nang ikalawang beses mag-landfall ang Bagyong Ofel sa bahagi naman ng Matnog, Sorsogon.
Dahil dito, nakataas ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
- Batangas
- southern portion ng Laguna (Luisiana, Majayjay, Liliw, Nagcarlan, Rizal, San Pablo City, Calauan, Alaminos, Los Banos, Bay, Magdalena)
- southern portions ng Quezon (Guinayangan, Tagkawayan, Buenavista, San Narciso, San Andres, Mulanay, San Francisco, Catanauan, Lopez, Calauag, Quezon, Alabat, Perez, Atimonan, Tayabas City, Mauban, Sampaloc, Lucban, Gumaca, General Luna, Macalelon, Pitogo, Unisan, Plaridel, Padre Burgos, Agdangan, Pagbilao, Lucena City, Sariaya, Candelaria, Dolores, Tiaong, San Antonio)
- Burias Islands
- Northern Samar
- Eastern Samar
- Samar
- Biliran
Huli namang namataan kaninang alas-7 ng umaga ang Bagyong Ofel sa layong 30-kilometro, timog-kanluran ng Juban, Sorsogon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour (kph) at pagbugsong aabot sa 55 kph.
Kumikilos ito pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.
Magugunitang una nang nag-landfall ang Bagyong Ofel kaninang alas-2:30 ng madaling araw sa bahagi naman ng Can-avid, Eastern Samar.