Nananatiling buo ang tiwala ng Pangulong Rodrigo Duterte kay DPWH Secretary Mark Villar.
Ayon ito kay Presidential Spokesman Harry Roque kahit pa sinabi ng Pangulo na talamak ang korupsyon sa DPWH lalo na sa hanay ng project engineers.
Sinabi ni Roque na hindi naniniwala ang Pangulo na sangkot sa katiwalian si Villar kundi ang ibang tauhan lamang ng DPWH.
Hindi na aniya kailangang mangurakot ni Villar dahil mas marami pang pera ang pamilya nito kaysa budget ng DPWH bukod sa nakita naman ng Pangulo na nakapag-deliver ang kalihim ng mga inaasahang trabaho nito.
Inihayag pa ni Roque na kung nakapagbitiw man ang Pangulo ng naturang mensahe nangangahulugan lamang ito na hindi dapat na magpakampante ang mga opisyal ng gobyerno dahil gugugulin niya ang natitira niyang panahon ng termino para linisin ang korupsyon sa gobyerno.
Kaugnay nito ipinabatid ni Roque na hindi malayong paimbestigahan ng Pangulo ang korupsyon sa DPWH.