Matatagalan pa bago makuha ng mga nagbabalik na overseas Filipino workers (OFW) ang resulta ng kanilang reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test.
Ito’y makaraang bumalik ang Philippine Coast Guard (PCG) sa dating mabagal na pagkuha ng swab samples.
Ayon kay PCG spokesperson, Commodore Armando Balilo, balik na sila sa manual pre-processing matapos magpasya ang Philippine Red Cross (PRC) na itigil na ang pagsasagawa ng COVID-19 tests dahil sa utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Bunsod ng problema ng Red Cross at PhilHealth ay hindi na sa computerized system ng PRC dumadaan ang nabanggit na proseso.
Sinasabing ang bagong sistema ay epektibo na simula nitong Huwebes at maaapektuhan nito ang mga OFW’s sa sasalang sa test sa mga One-Stop Shops sa Terminals 1, 2, at 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).