Hindi lamang ang mga tauhan ng PNP-HPG ang sasalang sa mas matinding pagsasanay sa paggamit ng motorsiklo kundi pati na rin ang mga local police.
Ito ang binigyang diin ni PBGen Alexander Tagum – ang bagong director ng PNP-HPG kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na paigtingin ang kampanya laban sa mga motorcycle riding criminals.
Ayon kay Tagum, inatasan na ang lahat ng kanilang mga regional offices na i-consolidate kung sino-sino na ang sumalang sa mga motorcycle riding courses.
Ang mga trained nang riders ay sila ngayon ang magtuturo sa mga bagong gustong makasama sa mga motorcycle units kontra sa mga riding in tandem.
Welcome din aniya sa HPG maging ang mga civilian trained riders na gustong tumulong magtraining sa mga bago.
Sa kaniyang televised address, nanawagan ang Pangulo sa PNP na tutukan at palakasin ang kampanya laban sa mga motorcycle riding criminals dahil humahaba na ang listahan ng kanilang mga biktima.
Kabilang sa pinakahuling biktima ng mga motorcycle riding criminals ay ang retired PNP Provincial Director ng Bulacan na si Col. Fernando Villanueva sa Calumpit, Bulacan.