Bumaba na sa 666 ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y makaraang makapagtala ang PNP health service ng 50 bagong recoveries ng COVID-19 sa kanilang hanay kaya’t umakyat na ang kabuuang bilang nito sa 5,950.
Gayunman, nakapagtala ang PNP ng 50 mga bagong kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay kaya’t umakyat na sa 6,636 ang kabuuang bilang nito.
Pinakamarami ang naitala sa Cordillera na may 15, 7 sa NCRPO, tig-5 sa Ilocos Region at Cagayan Valley habang apat naman sa Central Luzon at national operations support unit.
Tig-3 ang naitala sa Central Visayas at Zamboanga Peninsula, dalawa sa CALABARZON habang tig-isa naman ang naitala sa national headquarters at Northern Mindanao.
Samantala, nananatili pa rin naman sa 20 ang kabuuang bilang ng mga pulis na nasasawi dulot ng nakamamatay na virus.