Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Pasay City.
Kinilala ang mga ito na sina Jamar Ibi Alias Bas at Raden Jamil Alias Tamiya na magkahiwalay na nadakip noong Oktubre a-12 at a-19.
Ayon sa NBI, nadakip ang dalawa sa bisa ng ipinalabas na warrant of arrest ng korte dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention with ransom.
Kaugnay anila ito sa pagdukot ng dalawang umano’y miyembro ng asg sa anim na miyembro ng Jehovah’s Witness sa Patikul, Sulu noong August 20, 2002.
Ang pagkakaaresto sa dalawa ay resulta ng serye ng ikinasang casing at surveillance operations ng NBI at militar kasunod ng natanggap nilang impormasyon mula sa isang testigo.
Kasalukuyan nang nasa ilalim ng kustodiya ng NBI detention facility sa Maynila ang dalawang umano’y Abu Sayyaf members.