Tuluyan nang nakalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Pepito na ngayo’y lumakas pa at isa nang Typhoon.
Ayon sa PAGASA, alas-7:30 ng umaga ngayong Huwebes nang lumabas ang Bagyong Pepito sa kalupaan ng bansa at inaasahang tatahak at tatama ito sa kalupaan sa gitnang bahagi ng Vietnam.
Bagaman inalis na ng PAGASA ang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa bansa, makararanas pa rin naman ng mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan na may paminsan-minsang malakas na buhos ng ulan sa mga lugar ng Batanes, Pangasinan, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Palawan.
Makaaapekto pa rin naman ang Bagyong Pepito sa mga lugar sa northern at central Luzon.
Samantala, humina naman ang isa pang binabatayang Tropical Depression sa labas ng PAR at isa na lamang ngayong Low Pressure Area (LPA).
Nananatili namang mababa ang tiyansa nitong pumasok pa ng PAR.