Agad na ipagpapatuloy ng Philippine Red Cross (PRC) ang mass testing oras na mabayaran na ng PhilHealth ang utang sa kanila na umaabot na sa halos P1-bilyon.
Ito ang tiniyak ni PRC national chairman, Senador Richard Gordon.
Ayon kay Gordon, umaasa sila na sa lalong madaling panahon ay mabayaran na sila ng PhilHealth para makapagserbisyo na muli sila, lalo na sa mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs).
Una rito, hinimok ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang PRC na magsagawa na uli ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) test para sa kapakanan ng mga dumarating na OFW na nai-stranded sa quarantine facility dahil hindi agad nate-test.
Giit ni Roque, sapat nang basehan para ipagpatuloy ng PRC ang mass testing ang ibinigay na assurance ng Pangulong Rodrigo Duterte na babayaran ng buo ang utang sa kanila ng PhilHealth.
Pinasalamatan naman ni Gordon ang pangulo sa pagtiyak na mababayaran sila ng PhilHealth at sana daw ay magawa ito sa lalong madaling panahon. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)