Hindi bababa sa P1-B ang kakailanganing dagdag na pondo ng Commission on Elections (COMELEC), sakaling ganapin sa loob ng dalawang araw ang halalan sa 2022.
Sa pagharap ni Comelec Chairman Sheriff Abas sa pagdinig ng senado hinggil sa panukalang pondo ng ahensiya sa susunod na taon, sinabi nito na isa paglalaanan ng dagdag na pondo ay ang mga guro.
Ayon kay Abas, mahigit P1-B ang inilalaan nilang pondo bilang pambayad sa mga guro, kaya kung gagawing dalawang araw ang eleksyon ay magiging doble rin ang bayad sa mga ito.
Maliban pa aniya ito sa iba pang mga gastusin tulad ng allowance ng mga pulis at sundalo na itinatalaga para magbantay tuwing halalan.
Magugunitang isa sa mga lumutang na solusyon sa implementasyon ng eleksyon sa gitna ng COVID-19 pandemic ang pagpapalawig sa oras o dagdag na araw ng botohan.