Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) ang 26 anyos na scammer na si Maria Shenna Villalobos matapos na makakulimbat ito ng halos P6-M mula sa mahigit 20 katao, gamit ang kanilang mga credit card.
Ayon kay Atty. Manny Eduarte ng NBI, hinihiram umano ng suspek ang ang credit card ng mga biktima para makapag-purchase o makabili ng mga cellphones.
Matamis ang dila at magaling umanong makipag-usap si Villalobos kaya’t nahikayat nito ang kanyang mga biktima upang ipagkatiwala sa kanya ang kanilang credit cards.
Inihayag ni Eduarte, na posibleng marami ring naloko ang suspek dahil sa ginagamit nito ang kanyang boyfriend na pulis.
Dahil dito, kabilang narin aniya sa kanilang iniimbestigahan ang police officer na kasintahan ni Villalobos dahil sa maaring pagkakasangkot nito sa kaso.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong large-scale estafa.