Mahigit 80 empleyado na ng Bureau of Immigration (BI) ang tinanggal o sinuspinde sa trabaho dahil sa iba’t-ibang mga paglabag simula noong 2016.
Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, mayroong board of discipline ang ahensiya na siyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kurapsyon at iba pang anomalya na kinasangkutan ng kanilang mga tauhan.
Sinabi pa ni Sandoval, ipinatutupad na rin ng BI ang suspension order na ipinalabas ni Ombudsman Samuel Martires laban sa mahigit 40 immigration officials na isinasangkot sa pastillas scheme.
Kabilang sa mga ito si Immigration Officer Jeffrey Dale Ignacio na umaming sangkot sa pastillas scheme at kinilala si dating Immigration Port Operations Chief Marc Red Mariñas bilang pinuno nito.