Nakahanda na ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa napipintong pananalasa ng bagyong Rolly sa bansa.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Camilo Cascolan sa harap ng pagbabanta ng bagyo sa malaking bahagi ng Luzon kabilang na ang Metro Manila.
Kasunod nito, inatasan na ng PNP Chief ang lahat ng kanilang disaster response unit para tumulong sa posibleng paglilikas.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Ysmael Yu, maliban sa pag-alerto sa kanilang tauhan, nakaposisyon na rin ang kanilang food bank para magsilbing paunang ayuda sa mga maapektuhan ng bagyo.
Kabilang sa mga inalertong police units ay ang Special Action Force, Highway Patrol Group, PNP Maritime Group at ang Police Community Affairs and Development Group.
Samantala, pinatitiyak din ni Cascolan sa lahat ng kaniyang mga regional, provincial, city at municial mobile force companies na dagliang makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa gagawing paglilikas.
Nais din ng PNP Chief ayon kay Yu na kagya’t na madaraanan ang mga kalsadang maapektuhan ng bagyo upang mabilis na maihatid ang mga ayuda sa mga residenteng maapektuhan ng kalamidad.