Magbabalik EDSA na ang nasa 250 mga tauhan ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police (PNP – HPG).
Ito’y para tiyaking maayos at ligtas ang mga motoristang dumaraan sa EDSA at bantayan ang mga krimeng posibleng isakatuparan ng mga kawatang gumagamit ng motorsiklo.
Ayon kay PNP-HPG operations Management Division Chief P/Col. Oliver Tanseco, pagaganahin nila ang enhanced campaign plan EDSA sa Nobyembre 8.
Aniya, deputized ang mga nabanggit na highway patrollers ng Land Transportation Office (LTO) gayundin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagmamando ng trapiko sa EDSA gayundin sa pag-alalay sa mga motorista.
Magbibigay din sila ng refresher training sa mga personnel ng mga mahahalagang batas trapiko kabilang na ang COVID safety protocols sa sandaling rumesponde sila sa panahon ng emergency.