Nagwakas ang maliligayang araw ng dalawang lalaki na umano’y gun-for-hire makaraang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad sa Biñan, Laguna.
Pahayag ni Brig. Gen. Alexander Tagum, hepe ng PNP-Highway Patrol Group (HPG), nakatanggap sila ng impormasyong may gun-for-hire group na umaaligid sa probinsya.
Dahil dito, nag-deploy siya ng mga pulis mula sa HPG Special Operations Division sa lugar.
Sinasabing sinita nila ang isang sasakyan pero sa halip na huminto ay tumakbo ito papalayo at nagpaputok pa ng baril hanggang sa magkahabulan.
Hindi nagtagal ay tinamaan ang dalawang lalaki na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Nakuha mula sa mga napatay na suspek ang larawan ng isang barangay kagawad at mapa ng address nito na hinihinalang target na patayin ng mga ito.
Samantala, inaalam na ngayon ng mga awtoridad kung kanino nakapangalan ang sasakyan upang matukoy at mahuli ang iba pang mga posibleng miyembro ng grupo.