Walang Pilipinong nadamay sa mga insidente ng pamamaril sa Vienna, Austria.
Ayon ito kay Executive Director for Strategic Communications Ivy Banzon-Abalos, batay sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Vienna.
Pinayuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pilipino doon na sundin ang abiso ng mga otoridad na manatili lamang sa mga bahay at huwag munang lumabas.
Isa ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa magkakaibang lugar sa Vienna, Austria.
Unang naitala ang pag-atake malapit sa Central Synagogue kung saan isa na ang naitalang nasawi habang marami ang sugatan.
Ayon kay Interior Minister Karl Nehammer, pinaghahanap pa ng mga otoridad ang mga armadong suspek at pinapayuhan ang mga residente na manatili lamang sa loob ng kanilang mga tahanan.
Sinabi ni Nehammer na itinuturing na terror attacks ang nangyari, ilang oras bago magpairal ng partial lockdown sa lugar dahil sa tumataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Inihayag ni Vienna Mayor Michael Ludwig na mayroong 15 katao na ginagamot sa Vienna Hospitals at pito sa kanila ang seryoso ang kondisyon.
Sa kabuuan aniya ay nakapagtala ng pag-atake sa anim na magkakahiwalay na lokasyon sa Vienna.