Tinatayang aabot sa 226 na mga paaralan ang nasira dahil sa pananalasa ni bagyong Rolly.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo, higit sa 860 na mga paaralan ang tumatayong evacuation center para sa mga lumikas nating kababayan.
Sa nasabing bilang, katumbas ito ng 4,367 na mga silid-aralan na nagkakahalagang P489-M
Mababatid na kabilang sa mga nasirang mga paaralan ay nasa regions 1, 2, 4-A at B, 5, 8, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Kasunod nito pagtitiyak ni Briones, agad na nagpadala ang kagawaran ng mga engineers at Disaster Risk Reduction Management Coordinators para ma-assess ang mga nasirang paaralan.
Sa pinakahuling datos, ani Briones, aabot sa higit 21,000 na mga lumikas na pamilya ang mga nananatili sa mga eskwelahan.
Kaugnay nito, tulad ng ninanais ng Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng bukod na evacuation centers, umaasa rin si Education Secretary Briones, na magkakaroon na ng mga sari-sariling evacuation centers ang iba’t-ibang LGUs sa bansa para hindi na mga paaralan ang gamiting evacuation centers oras na may kalamidad na dumating gaya ng pananalasa ng bagyo.
Mismo ang Presidente, 3 years ago nagsabi na talagang hindi dapat gawing evacuation centers ang mga schools natin. Siguro mabuting maghanap ng ibang lugar, mga buildings natin na walang laman para sa evacuation centers, like gyms for example para di na sundin ang tradisyon na eskwelahan ang gagamitin.”pahayag ni Secretary Briones