Aabot na sa P800-M ang nalugi sa mga palaisdaan na nasa paligid ng Laguna De Bay dahil sa pananalasa ng bagyong Rolly.
Ayon sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), pinakamaraming naapektuhang baklad o fish cages at fish pens sa Muntinlupa at Taguig dahil malapit lamang ito sa ilog Pasig.
Nabatid na dahil sa bagyo, maraming istruktura ang nawasak sa loob ng lawa ng Laguna gayundin ay maraming nakakawalang isda na siyang nagresulta sa pagkalugi ng maraming palaisdaan.
Ayon kay Engr. Emil Hernandez, hepe ng Environmental Regulatory Department ng LLDA, tinatayang aabot sa P300,000 kada isang ektarya ng palaisdaan ang nalugi sa mga nasiraan ng baklad o fish pens sa lawa.