Dapat alamin ng Senado kung ano ang mas mahalaga para sa kapakanan ng taumbayan kaysa pagsilbihan ang pansariling interes nito.
Iyan ang birada ni Albay Rep. Joey Salceda sa mga Senador dahil sa tila malamig na pagtanggap ng Senado hinggil sa pagbuo ng Department of Disaster Resilience (DDR).
Ayon kay Salceda, nagawa aniyang paglaanan ng pondo ng Senado ang kanilang bagong tanggapan sa Bonifacio Global City na nagkakahalaga ng 10 bilyong piso subalit kanilang pinanghihinayangan ang 2 bilyong pisong gastos para sa pagbuo ng Kagawarang tututok naman sa epekto ng mga kalamidad sa bansa.
Muling umugong ang panawagan sa pagtatatag ng DDR matapos ang naging pananalasa ng Bagyong Rolly kung saan, nasawi mahigit 20, ikinasugat ng marami at ikinasira ng maraming kabahayan at kabuhayan.
Gastos din pala ang paglipat sa BGC, sige mas unahin na nila yun,” pasaring pa ni Salceda.
Iginiit ni Salceda na pangmatagalang solusyon ang kailangan para mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa bansa kaya isinusulong ng Kamara ang DDR na siyang papalit sa kasalukuyang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ang NDRMMC umaasa lang sa kontribusyon ng ibang members gaya ng pagpapalabas ng warning sa DOST, sa relief ay sa DSWD, ang rehabilitasyon ng mga kalsada sa NEDA at pagresponde sa DILG.Ang nangyayari ay kalat kalat at hindi integrated ang pagtugon sa kalamidad kaya mabagal sa response at rehabilitation,” pahayag ni Salceda.