Hindi kailangang mangutang ng gobyerno para pambili ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) kung gagamitin para dito ang anti-insurgency fund na nagkakahalaga ng P19-bilyon.
Ito ang inihayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ngayong ikinukunsidera ng gobyerno na mangutang sa World Bank o kaya ay sa Asian Development Bank (ADB) para ipambili ng bakuna ngayong nagsisimula na ang pakikipagnegosasyon ukol dito sa isang pharmaceutical company.
Ayon kay Drilon, sinabi ni COVID-19 vaccine czar, Sec. Carlito Galvez, na 50-milyong dose ng bakuna ang plano na inisyal na bilhin para sa 25-milyong Pinoy.
Dalawang dose ng bakuna kada tao ay katumbas ng US$10.
Kung susumahin, aabot sa $250-million o P12.5-bilyon ang kakailanganin para sa target na inisyal na bilihin na vaccine ng pamahalaan para mabakunahan ang 25-milyong Pinoy.
Kaugnay nito, sinabi ni Drilon na hindi kakailanganing mangutang ng pamahalaan kung ire-realign sa pambili ng bakuna ang P19-bilyon na budget para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Una rito, sinabi ni Galvez na kailangang mangutang ng bansa sa ating credit partners tulad ng World Bank at ADB dahil hindi sapat ang inilaang pondo bilang paunang ipambili ng bakuna kontra COVID-19, pero ang ikinukunsiderang utangin ng gobyerno ay $9-billion o P433.3-bilyon. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)