Iniimbestigahan na ng National Privacy Commission (NPC) ang nangyaring data breach sa website ng land transportation office kung saan halos 13-M sasakyan ang rehistrado.
Ayon sa NPC nagsumite ng report ang LTO hinggil sa breach sa kanilang sistema nitong Martes at nakikipag ugnayan na ito sa ahensya para magabayan kung paano maayos ang mga problema.
Sinabi ng NPC na naglabas ng pahayag ang LTO noong nakalipas na linggo kung saan binabatikos nito ang lisensya info na website dahil sa paggamit ng logo nito na maaaring ikalito ng mga tao.
Mayroong motor vehicle authentication ang lisensya info website kung saan makikita kaagad ng kahit sino ang sensitibong impormasyon hinggil sa may-ari ng sasakyan, plate number, engine number, chassis number at iba pa sa pag-iinput lamang ng motor vehicle file number.
Dagdag pa ng NPC nabahala ang mga netizen sa datos ng lisensya info dahil tama ito kaya’t hinihinalang nagka-leak sa sistema ng LTO kung saan ang mga impormasyong nakukuha ay mga impormasyong ibinibigay ng motorista sa LTO.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng NPC na walang privacy notice ang website at wala ring contact details ang may-ari nito.