Iminungkahi ng Department of Education (DEPED) ang pagbibigay ng ‘connectivity allowance’ sa mga estudyante at guro ng senior high school sa susunod na taon.
Sa isang pahayag ng DEPED, sinabi nito na humingi ng P4-B si Education Secretary Leonor Briones sa budget department bilang pondo sa pagpapatupad ng digital education, information technology and digital infrastructure, and alternative learning modules.
Paliwanag ni Briones, batid ng kagawaran ang kahalagahan ng load allowance sa kanilang mga guro at estudyante para maayos na maihatid ang mga aralin, at maayos na matutunan ng mga estudyante ang kanilang aralin sa gitna ng nagpapatuloy na krisis dulot ng COVID-19.
Mababatid na sakop ng naturang pondo ang pagbibigay ng load allowance sa higit 3-M mga estudyante na makatatanggap ng P250 budget kada 3 buwan, at aabot sa 900K mga guro na tatanggap naman ng P400 budget kada buwan.
Samantala, tiwala ang kagawaran na sa pamamagitan ng load allowance, makatutulong ito sa mga guro para makapag-download ng videos na kanilang ginagamit sa pagtuturo at magkaroon ng maayos na pakikipag-ugnayan sa kanilang mga estudyante.