Tutol ang Department of Health (DOH) na muling isailalim sa lockdown ang lungsod ng Cebu.
Ito ay sa kabila ng tumataas na bilang ng bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kumpara sa mga naitatalang gumagaling sa nakalipas na tatlong araw.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nananatiling nasa “safe zone” ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Cebu City.
Iginiit ni Vergeire, bagama’t binibigyan ng kapangyarihan ng local government units na magpasiya kung dapat magpatupad ng lockdown sa kanilang nasasakupan, hindi aniya dapat ito basta-basta idinedeklara.
Sinabi ni Vergeire, kinakailangan may sapat na basehan bago magpatupad ng lockdown.
Una rito, iminungkahi ni Cebu City Councilor Joel Garganera ang pagpapatupad ng lockdown sa lungsod sa katapusan ng nobyembre kung lalu pang tataas ang bilang ng mga bagong kaso.