Hostage talaga tayo ng mga oil producing countries, lalo na ng Middle East, dahil higit 98% ng ating langis ay imported, kaya pag nagtaas sila ng presyo ng produktong petrolyo ay tiyak na tataas din ang presyo dito sa ating bansa.
Ito ang inihayag ni senate committee on energy chairman, Sen. Sherwin Gatchalian, makaraang magpatupad ng big time oil price hike ngayong araw ang mga kumpanya ng langis matapos na tumaas ang presyo ng crude oil sa world market sa harap ng report na malapit ng magkaroon ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) kaya’t inaasahang lalakas na uli ang demand sa langis.
Sa kabila nito, iginiit ni Gatchalian na dapat bantayan ng Department of Energy (DOE) ang mga local oil companies.
Ito ay para masiguro na hindi sila umaabuso o nagsasamantala sa sitwasyon at matiyak na rasonable ang ipinapataw nilang presyo sa mga produktong petrolyo lalo pa sa panahong ito na marami sa ating kababayan ang nawalan ng hanap-buhay dahil sa pandemya at marami pang napinsala ng sunud-sunod na kalamidad.
Ayon kay Gatchalian, panahon na din para gumamit tayo ng electric vehicles para hindi na mag-angkat ng langis ang ating bansa. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)