Hinikayat ni Health Secretary Francisco Duque III ang Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng executive order para sa Emergency Use Authorization (EUA) ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine.
Sinabi ni Duque na makakatulong ito upang mapaikli ang pagbibigay ng Food and Drug Administration (FDA) ng grant para sa emergency use authorization ng iba’t ibang bakuna na papasok sa bansa mula anim na buwan.
Ayon pa kay Duque, dahil sa EUA ay maaaring gumamit ang bansa ng mga gamot, bakuna at iba pang health technologies sa pamamagitan ng process of reliance at recognition.
Ang reliance ay tumutukoy sa proseso ng pagtitiwala ng FDA sa mga evaluation na ginawa ng National Regulatory Authorities (NRA) sa ibang bansa sa pagdedesisyon naman nito ng application sa Pilipinas.
Habang ang recognition naman ay acceptance ng FDA ng regulatory decision ng NRA o iba pang trusted institutions.
Inihayag pa ni Duque na magagamit lamang ang EUA kung mayroong medical health emergency, serious o life threatening disease at iba pa.
Magsasagawa naman ang FDA ng post-marketing surveillance activities at ang EUA ay maaaring i-revise o i-revoke ng nasabing ahensya kung kinakailangan para maprotektahan ang kalusugan ng taumbayan.