Ibinasura ng Korte Suprema ang motion to intervene na inihain ng Akbayan Citizens Action Party sa kaso ng Manila Bay rehabilitation.
Sa resolusyon ng en banc na may petsang November 17, nilinaw ng Supreme Court na pinal na nilang nadesisyunan ang usapin noong 2008.
Una na anilang inatasan ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tiyaking maisasaayos at malilinis ang Manila Bay.
Ayon sa Korte Suprema, wala silang nakitang anumang paglabag sa patuloy na pagsunod ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa ipinalabas nilang mandamus alinsunod sa mga isinumiteng quarterly report at inspeksyon ng Manila Bay advisory committee.
Nakasaad din sa desisyon na wala nang kuwenta ang isang intervention kung mayroon nang pinal na desisyun ang Korte Suprema at isinasagawa na ito.
Magugunitang naghain ng mosyon ang Akbayan at ipinako-contempt ang DENR dahil sa paglalagay ng artificial na puting buhangin sa bahagi ng Manila Bay.