Walang isiningit na pondo ang House of Representatives sa kanilang inaprubahang bersyon ng proposed national budget para sa 2021.
Ito ang iginiit ni house committee on appropriations chairman Eric Yap kasunod ng pahayag ni Senador Panfilo Lacson na bilyon-bilyong pisong alokasyon para sa infrastracture projects ang bawat 220 congressional districts.
Ayon kay Yap, walang kongresista ang nagbigay ng listahan ng kanilang amendments na kanilang ipinasok sa general appropriations bill.
Sinabi ni Yap, tanging mga ahensiya lamang ng pamahalaan ang nagbigay ng mga errata at humiling na palitan ang ilang nakapaloob sa GAB.
Binigyang diin ni Yap, normal ang pagkakaroon ng institutional amendments ng mga ahensiya ng pamahalaan na kanila aniyang kinikilala sa Kamara.
Una na ring tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco na pork-free ang kanilang bersyon ng 2021 GAB.
Ani Velasco, sinigurado niyang walang pork barrel ang proposed national budget dahil naniniwala siyang hindi lamang ito dapat maipasa sa oras kundi naaayon din sa konstitusyon.