30% pa lamang ng rehabilitation program ng Marawi City ang natatapos ng pamahalaan, tatlong taon matapos ang kalayaan ng lungsod mula limang-buwang pagkubkob ng Maute group.
Ito ang lumabas sa datos ng Task Force Marawi matapos humingi ng update ni Senador Francis Pangilinan hinggil sa muling pagbangon at pagbuo ng siyudad sa budget hearing sa senado.
Sinabi naman ni Senadora Risa Hontiveros na tinatayang dalawang libo at walong pamilya ang pansamantala pa ring nasa mga temporary shelter sa Marawi City.
Patuloy din aniyang na tumatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan ang nabanggit na pamilya tulad ng libreng suplay ng tubig, kuryente, pangkabuhayan at iba pang relief assistance.
Isinisisi naman ni Hontiveros sa COVID-19 pandemic ang pagbagal ng rehabilitasyon sa Marawi City dahil ilang buwang naging limitado ang paggalaw ng lahat para maiwasana ng pagkalat ng virus.
Ayon kay Hontiveros, 46% pa lamang ng land development para sa permanent shelters sa Marawi City ang nakukumpleto.
Habang wala pang natatapos para sa permanent housing project at higit kalahati pa lang sa traget na mahigit 4,800 transitory shelters ang naitatayo.
Dagdag ni Hontiveros, tinatayang 2,000 pamilya na ang nakabalik sa kanilang bahay habang 400 iba pa ang piniling buuin ang sarili nilang bahay kaysa hintayin ang pamahalaan.