Inihirit ng nakakulong na aktibistang si Reina Mae Nasino sa Judicial Integrity Board ng Korte Suprema na sibakin ang hukom na nag-utos na ilayo sa kanya ang sanggol niyang anak na naging sanhi umano ng pagpanaw nito.
Sa kanyang reklamo sa board, inakusahan ni Nasino si Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Marivic Balisi-Umali ng kamangmangan sa batas o gross ignorance of the law at gross misconduct.
Giit ni Nasino, pinagkaitan siya ni Balisi-Umali ng karapatang i-breastfeed ang kanyang sanggol habang nilabag din umano nito ang Bangkok Rules na nagsaad na dapat kasama ng isang presong babae ang kanyang anak habang nakakulong.
Matatandaang nasawi si Baby River noong ika-siyam ng Oktubre habang nakapiit ang kanyang ina na si Nasino sa Manila City Jail (MCJ) dahil sa kasong illegal possession of firearms and explosives.