Nagpasalamat si Isabela Gov. Rodito Albano sa mga may mabubuting kaloobang nagpapadala ng tulong sa kanilang lalawigan.
Ito’y makaraang malugmok ang Isabela ng malawakang pagbaha dulot ng pananalasa ng nagdaang bagyong Ulysses.
Ayon kay Isabela Gov. Rodito Albano, labis nilang ipinagpapasalamat ang mga tulong na kanilang natatanggap.
Gayunman, inamin ni Albano na patuloy pa ring sadlak ang kanilang mga magsasaka dahil sa labis na pinsalang idinulot ng pagbaha sa kanilang mga sakahan.
Sinabi ni Albano na ayon sa mga magsasakang kaniyang nakausap, posibleng abutin pa ng Pebrero sa susunod na taon bago sila muling makapagtanim.
Aniya, ginawa ng mga magsasaka ang pasya dahil sa posibilidad na may dumating pang bagong bagyo sa susunod na buwan.