Balik kalsada na simula ngayong Lunes, ika-23 ng Nobyembre ang mga motorcycle taxis gaya ng Angkas, Joyride at Move It.
Bago pa man nito, nagpaalala si Transportation Assistant Secretary Goddes Libiran, dapat ay nakasusunod ang mga riders sa aprubadong patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF) bago muling magbalik pasada.
Kabilang ani Libiran, ang pagsailalim sa swab testing ng mga riders, pagiging handa ng mga ito sa gagamiting barriers, pagpapatupad ng cashless transactions, at pagtitiyak na masusunod ang polisiyang ‘bring your own helmet’.
Kasunod nito, batay sa datos na inilabas ng angkas, naisailalim na nito ang 6,400 na mga partner riders sa swab test at pawang mga nag-negatibo sa COVID-19.
Joyride at move it ay pumalo na sa 1,000 mga riders ang nag-negatibo sa virus.
Mababatid na ang muling pagbabalik pasada ng mga motorcycle taxis ay sang-ayon sa pinalawig na initial pilot run nito para mas lalo pang pag-aralan kung ito ba’y pupwedeng gawing ligal.