Plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na umuwi ng Davao City pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo ng 2022.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos palutangin ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang ideya ng Duterte – Duterte tandem sa susunod na halalan.
Ayon kay Roque, mas atat nang bumalik ng Davao City si Pangulong Duterte sa pagtatapos ng kanyang termino.
Aniya, sariling opinyon lamang ni panelo ang sinabi nitong posibilidad na pagtakbo ni Pangulong Duterte sa vice presidency sakaling magpasiya ang anak na si Davao City Mayor Inday Sara na tumakbo sa pagkapangulo sa 2022.
Magugunitang, ipinahiwatig ni Panelo noong Biyernes ang mabigat aniyang tandem ng mag-amang Duterte na maging ang mga tiga-oposisyon at makakaliwang grupo ay mahihirapang tapatan.