Aprubado na kamara ang panukalang naglalayong palawakin pa ang sakop ng batas laban sa mga uri ng diskriminasyon sa mga kababaihan sa trabaho.
Sa botong 226 – 0, lusot na sa ika-3 at huling pagbasa ang house bill 7722 o ang pagrepaso sa Presidential Decree no. 442 o labor code of the Philippines.
Isinusulong sa panukala ang pagpapalakas sa mga safeguards laban sa diskriminasyon sa mga kababaihan sa lugar ng trabaho dahil sa kanilang kasarian.
Sa ilalim nito, maituturing nang diskriminasyon sa mga kababaihan ang pagpabor sa mga lalaking empleyado kaysa babaeng empleyado sa usapin ng itinalagang trabaho, promotion, oportunidad ng pagsasanay, pag-aaral at scholrship grant.
Pagpabor sa lalaking empleyado hinggil sa pagsibak sa trabaho o pagpapatupad ng anumang polisiya sa pagbabawas ng manggagawa.
Gayundin ang pagtangging ibigay sa mga babaeng manggagawa ng kanilang benepisyo o iba pang statutory benefits dahil lamang sa kasarian.
Nakapaloob sa panukala na papatawan ang sinomang lumabag ng parusang pagkakakulong ng hindi bababa sa 1 taon pero hindi hihigit sa 2 taon at multang P50K hanggang higit P200k.