Nanawagan ang isang senador sa pamahalaan na kumilos para maiwasan ang posibleng paglobo ng bilang ng ‘teenage pregnancy’ sa mga lugar na binayo ng mga magkakasunod na bagyo.
Ito ang naging paalala ni Senador Win Gatchalian matapos tumaas ang ‘teenage pregnancy’ cases noong matapos na manalasa ang bagyong Yolanda taong 2013.
Ani Gatchalian, sa datos ng National Research Council of the Philippines ng DOST, lumabas na 23.5% ng mga dalagita sa Eastern Visayas ang nabuntis, habang 14.8% sa mga ito ang nabuntis muli sa sumunod na taon.
Ayon kay Dr. Gloria Nelson na nagsawa ng naturang pag-aaral, malaki ang tiyansa na ang mga edad 10 hanggang 19 na taong gulang ang nabubuntis sa mga evacuation centers sa tuwing may kalamidad.
Dahil dito, binigyang diin ni Gatchalian na dapat siguruhin ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at mga LGUs na maprotektahan ang mga kababaehang menor-de-edad.
Bukod pa rito, ani Gatchalian, mahalagang matiyak ang tuloy-tuloy na implementasyon ng reproductive health programs sa bansa.
Sa huli, naniniwala si Gatchalian na may malaking ambag ang pandemya sa paglobo ng bilang ng ‘teenage pregnancy.’