Bukas sina Presidential Spokesperson Harry Roque at Senator Manny Pacquiao na sumailalim sa imbestigasyon kasunod ng pagdalo sa magkahiwalay na okasyon kung saan hindi nasunod ang physical distancing.
Kasunod ito ng naging komento ni Interior Secretary Eduardo Año hinggil sa pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng usapin.
Ayon kay Roque, welcome sa kanya ang sumailalim sa pagsisiyasat para mapatunayang panauhin lamang siya sa naturang event na inorganisa ng lokal na pamahalaan ng Bantayan, Cebu.
Iginiit pa ni Roque, paulit ulit niya ring pinapaalalahanan ang mga tao na magsuot ng facemask, maghugas ng kamay at umiwas sa matataong lugar.
Dagdag ni Roque, hindi rin inasahan mismo ng mga lokal na opisyal na magkakaroon ng maraming tao sa lugar.
Samantala, ipinaabot din ni Jake Joson, special assistant ni Pacquiao na bukas din ang senador sa imbestigasyon hinggil sa pagdalo nito sa isang pagtitipun-tipon sa Batangas.
Paliwanag ni Joson, mahigpit nilang tiniyak na masusunod ng physical distancing at health safety protocols kung saan may mga nakatalaga pa aniyang marshals.
Sinabi ni joson, sakaling may ilang kumalat na larawan o video na tila nagpapakita na nagkaroon ng paglabag sa quarantine protocols hindi aniya ito sumasalamin sa tunay na sitwasyon sa naturang event.
Kamakailan, pinangunahan ni Pacquaio at asawang si Jinkee ang pamimigay ng relief goods at maagang pamasko sa mga biktima ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal at pananalasa ng bagyo sa Batangas.