Nagpaalala ang pamunuan ng Department Of Health (DOH) sa publiko na kung sila’y magdaraos ng Christmas party, ay sa sari-sariling bahay na lang ito gawin at tiyaking ang magkakasama lang sa bahay ang lalahok dito.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito’y dahil may potensyal o posibilidad na magkahawaan at tumaas pa ang kaso ng COVID-19 kung mag-iimbita ng iba pang mga bisita na hindi naman kasama sa iisang bahay.
Binigyang diin din ni Vergeire na bagamat sa loob ng bahay lang gagawin ang party, tiyakin na nasusunod pa rin ang safety health standards gaya ng physical distancing o pagitan sa bawat isa ng hanggang sa 1 metrong distansya.
Bukod pa rito, payo ng DOH, ‘wag munang gumawa ng buffet style na handaan.
Kaugnay nito, sinabihan din umano ng DOH ang mga ahensya ng gobyerno parehong sa local at national na huwag munang magsagawa ng outreach programs para makaiwas sa malakihang pagtitipon o mass gatherings.
Sa huli, iginiit ni Health Undersecretary Vergeire na sa maayos na ventilation o kaya’y open space isagawa ang selebrasyon ngayon nalalapit ang kapaskuhan, at tandaang 10 katao lamang ang pinapayagan sa mga GCQ Areas habang 50 katao sa MGCQ Areas.