Hinamon ng iba’t-ibang Anti-Communist Groups si House Speaker Lord Allan Velasco na imbestigahan ang Makabayan Bloc sa Kamara.
Ito’y makaraang lantarang tukuyin mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga progresibong grupo na nasa ilalim umano ng kapangyarihan ng CPP-NPA at NDF.
Ayon sa mga grupong League of Parents of the Philippines (LPP), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Hands Off Our Children (HOC) at grupong Yakap ng mga Magulang, hindi ang Senado kung hindi ang Kamara ang may saklaw sa mga progresibong Mambabatas kaya’t dapat dapat si Velasco ang kumastigo rito.
Bago pa man anila ipinagtanggol ni Velasco ang Makabayan Bloc ay may sinumpaang tungkulin na ito sa Sambayanang Pilipino na paglilingkuran ang taumbayan at ipagtatanggol ang saligang batas.
Kung noong una ay ipinagtanggol ni Speaker Velasco ang Makabayan Bloc sa red tagging at sinabihang walang ebidensya si General Parlade sa akusasyon nito, ngayon sana na may malinaw nang ebidensya ay gampanan nya ang kanyang pagiging lider”, wika ni LPP Chair Remy Rosadio.
Nakikipag-ugnayan na ang mga nabanggit na grupo sa iba pang Non Government Organizations (NGO) mula sa iba’t ibang sektor upang kalampagin ang Kamara hinggil sa isyu.
May basehan ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban sa Makabayan Bloc,treason ang sinasabing kaso nila sa pakikipagsabwatan sa kalaban ng gobyerno, ang tanong ng lahat ay ano ang ginagawa ni Speaker Velasco,ang aming tanong ay Nasaan sya? Bakit hindi kumikilos ang Kamara?”, wika ni Gemma Labsan, Founder ng Hands Off our Children.
Naniniwala ang mga nasabing grupo na lalabas din ang katotohanan sakaling lumarga na ang imbestigasyon upang mamulat ang mga kabataan sa tunay na dahilan kung bakit talamak ang ginagawang recruitment ng Komunistang grupo
Hinahamon namin si Speaker Velasco na magsagawa ng imbestigasyon sa ethics committee at patalsikin na sila bago mahuli pa ang lahat,” giit pa ni LPP Chair Remy Rosadio.